Minamahal kong mga Kapatid,
Lubos ang aking kalungkutan at pagdadalamhati sa naganap na karahasan sa pagkamatay ng isa sa ating mga pinuno sa Parish Pastoral Council na si Kapatid Armin Marin ng Parokya ng Our Lady of Remedies sa España San Fernando, Romblon. Pinaaabot ko sa naulila niyang pamilya ang taos-puso kong paghanga sa kanyang kabayanihan at walang takot na ialay ang buhay para ng bayan at kalikasan.
Hayagan kong itinatakwil at tinututulan ang kasamaan at ang pagkawalang-bahala sa halaga ng buhay. Totoong ang bawat isa sa atin ay naghahangad ng magandang buhay subalit ito’y hindi dapat humantong sa pagkitil ng buhay at sa pagsira ng kalikasan. Tayo ay nilalang ng Diyos sa kanyang larawan (cfr. Gen. 1: 26) at sa paglikha niya ng kalikasan. Siya ay nasiyahan sa kanyang ginawa (cfr. Gen. 1:25). Kaya ang pangangalaga at pagtatanggol ng buhay at kalikasan ay tungkulin at pananagutan sa harap ng Diyos.
At sa mga pangyayari sa kasalukuyan sa ating probinsya, huwag nating hayaang mamayani ang takot at karahasan. Hinihiling ko sa inyo na lalo nating pag-ibayuhin ang pagbabantay upang ang katiwasayan at kapayapaan ang siyang maghari sa puso ng bawat isa sa atin. Palakasin at patibayin ang ating mga panalangin. Ito ang mabisang paraan na itinuro ng Panginoong Hesus sa atin noong siya’y nagdadalamhati dahil sa pagtalikod ng mga tao sa kanya pati na rin ng kanyang mga kaibigan. Sinabi niya, “manalangin kayo upang huwag madaig ng tukso” (Mat. 26:41) Sa panalangin ang bawat pangyayari ay madali nating maunawaan, sa pananalangin titibay ang ating tiwala sa pag-ibig ng Diyos sa atin, sa panalangin tayo’y tatatag sa paggawa lahat ayon sa kalooban ng Diyos.
Lagi nating tandaan, MAHAL TAYO NG DIYOS, at ang sinumang nagmamahal sa Diyos at sa kanyang mga nilikha, ang Diyos ay nananahan sa kanya.
Pagpalain nawa kayo ng Poong Maykapal,
MOST REV. JOSE CORAZON T. TALA-OC, D.D.
Obispo ng Romblon
October 10, 2007
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento