div.WordSection1 {page:WordSection1;} -->
Minamahal kong mga Kapatid,
Gaya ng atas ng ating Panginoon sa kanyang mga alagad na “ihulog ang lambat” matapos ng buong gabing puno ng kabiguan sa pangingisda (cf. Lk. 5:5), tayo rin ay naglayag at nagpalaot sa ating paglalakbay bilang bayan ng Diyos. Sampung taon ang lumipas nang balangkasin ang mga dekreto ng Unang Sinodo ng ating Diyosesis na siyang naging ilaw natin sa ating paglalayag sa landas ng Panginoon.
Maraming mga pagsubok at hirap tayong sinuong sa pagpapatupad sa mga isinasaad ng ating Sinodo. Maraming mga pagbabago na naging hamon sa ating pagpupunyagi sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Dahil dito, lubos ang aking pasasalamat sa inyong pakikiisa.
Kaya’t, inaanyayahan ko kayo ngayon mga minamahal kong mga kapatid, na muli nating ihulog ang ating mga lambat sa pagtingin muli sa mga dekreto ng ating Unang Sinodo. Paglipas ng panahon ang mga bagay-bagay sa kapaligiran ay nagbabago, ganun din ang patakaran ng ating pamumuhay. Kaya’t minamabuti nating tingnan muli ang mga nagawa na natin sa ating Sinodo ayon sa nilatag natin sa ating Diocesan Pastoral Plan at ang mga hindi pa nagagawa. Ang mga ito’y angkop pa rin ba sa ating panahon o kailangan nang susugan?
Sa pagdiriwang natin ng ikasampung taon ng ating Unang Sinodo Diyosesano, iipunin at magkakaroon tayo ng mga pagsasangguni sa mga kasapi ng kapilya tungkol sa mga isinasaad ng mga dekreto ng ating sinodo. Ang mga napag-usapan sa mga kapilya ay bubuuin sa parokya sa pamamagitan ng isang Parish Assembly na magiging isang saloobin ng parokya at dadalhin sa antas ng Diocesan Assembly upang maging ating rekomendasyon sa pagpapayaman ng mga dekreto ng ating Unang Sinodo.
Nawa’y patuloy tayong gabayan ni San Jose ang ating butihing patron at ng mapagmahal nating Inang Maria sa ating pagsusumikap sumunod sa kamahal-mahalang puso ng kanyang Anak.
Lubos na nagmamahal mula sa puso,
MOST REV. JOSE CORAZON T. TALA-OC, D.D.
Obispo ng Romblon
Hunyo 11, 2010
Feast of the Sacred Heart of Jesus
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento